TINIG AY MUSIKA

"Sa halip ay sikapin ninyong mapuspos kayo ng Espiritu Santo. Sama-samang ipahayag ang inyong damdamin sa pamamagitan ng mga salmo, mga imno, at mga awiting espirituwal. Buong puso kayong umawit at magpuri sa Panginoon. Lagi kayong magpasalamat sa Diyos at Ama dahil sa lahat ng bagay, sa pangalan ng ating Panginoong Hesu-Kristo." (Epeso 5:18-20)

sang mahalagang utos ang ipinahahayag ni Apostol pablo sa bawat Kristiyano, Sikapin ninyong mapuspos kayo ng Espiritu. Ang kapuspusan ng Espiritu Santo ay katangian ng isang matagumpay na Kristiyano. Ito'y isang gawain ng Espiritu Santo na marapat na sa tuwina'y maranasan ng isang Kristiyano. Ito'y di minsanan lang kundi paulit-ulit na karanasan sapagkat kailangan nating paulit-ulit na mapagtagumpayan ang anumang gawain ni Satanas sa ating buhay at pananampalataya.

Nagbigay ng praktikal na hakbang ang Apostol Pablo kung paano mararanasan ang kapuspusan ng Espiritu Santo.

Una, sa pamamagitan ng pag-awit. Pangalawa, sa pamamagitan ng pagpupuri. Ikatlo at huli, sa pamamagitan ng pasasalamat. Ang tatlong gawaing ito'y mabibigyang pansin sa larangan ng musika, Musikang Kristiyano (MK).

Ang ating iglesia ay lubos na pinagpala ng mga kapatirang hitik sa talento sa musika. Mayroon tayong mga Iglesiang halos lahat ay may talento sa musika. Mga kilalang manunugtog, mang-aawit at mga tagapagturo ng musika. Isang aspeto na kung wala ito'y lubhang magiging malungkot at walang kulay ang ating kawaing pagsamba. MUSIKA, ginamit ng mga tao ng Diyos noon1, marapat lamang na ating patuloy na pagyamanin ngayon. Ang musika sa tuwina'y bahagi ng pagdiriwang ng pagtatagumpay (1 Samuel 18:6). May mga pagkakataong ginagamit ang musika sa kasayahan (Santiago 5:13; Lukas 15:23; Lukas 7:32) at sa mga okasyong kristiyano (Awit 115-118; Paskuwa). May mga salmo (Santiago 5:13; Awit 137:1-5); himno (Filipos 2:5-11; Epeso 1:3-14) at mga awiting espiritual o mga bagong awit (Pahayag 5:9-10; 14:2-3).

Ang tinig ay musika, may tono, tiempo at liriko. Ang tinig ay nagpaparating ng pagpuri at pagpapasalamat sa Diyos. Gayundin sa inyo na patuloy na tumatangkilik at nagsisiyasat ng mga katotohanan, katuruan at hamon nito. Ang TINIG NG UNIDA, tinig ng mga mananampalataya, isang kaparaanan sa pag-abot ng kapuspusan ng Espiritu Santo. Gamitin natin ang ating tinig sa ating mga gawaing pagsamba. Umawit tayo ng salmo, ng imno at mga awiting espirituwal o mga bagong awit. Huwag tayong mag-atubili at akalaing ang mga gumagawa lang nito'y Pentecostal. Kung dahil sa kapuspusan ng Espiritu na nararanasan ng mga alagad noong Pentecostes, kinikilala nilang sila'y Pentecostal at ang kapuspusan ay nasa kanila lalo't higit yatang ang Unida'y marapat manguna sa gawang pag-awit, pagpupuri't pasasalamat sapagkat ka-unida natin ang Diyos Ama, Diyos Anak, at Diyos Espiritu Santo na bagamat sila'y tatlong Persona gayunma'y iisang Diyos sila.

11 Cronica 16:42; 25:6-7; Genesis 31:27; Exodo 15:2; 2 Samuel 6:14-15; Bilang 10:9,12; Leviticus 25:8-9